MANILA, Philippines – Dahil sa mali umanong akusasyon na sangkot sa child pornography, isang Filipino seafarer ang ipinadeport.
Sa reklamo ng ilang Filipino seafarer, naglalayag ang sinasakyan nilang mga barko sa US territorial waters nang sabihin ng isang tripulante na anak niya ang nakita sa kanyang cellphone video na hinahalikan niya kasama ang kanyang asawa.
Ikinuwento ni Earlson Jasmer Gamboa, tripulante ng M/V Carnival Sunshine, sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers na nakahimpil ang kanilang barko sa Port of Norfolk sa Virginia, USA noong Hulyo nang dumating ang mga tauhan ng US Customs and Border Protection na nagsabing magsasagawa ng electronic gadget inspection.
Sinabi ni Gamboa na isinama siya sa mga Filipino seafarer na ipinadeport kahit walang nakitang child porn materials sa kanyang gamit at walang ibinigay na paliwanag sa kanila.
Bukod dito, pinilit din silang pumirma sa isang dokumento.
Isa rin si Romeo Samonte, tripulante ng M/V Vision of the Seas, na inakusahan ng kalaswaan nang makita sa kanyang cellphone na hinahalikan niya ang isang bata na anak niya.
Lumitaw naman sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang mga ipinadeport ay mga tripulante ng passenger at cruise ships, ayon kay Migrant Workers Undersecretary Bernard Olalia. Jocelyn Tabangcura-Domenden