Home NATIONWIDE “Benteng Bigas” program, inilunsad sa Tondo ng DA at DOLE

“Benteng Bigas” program, inilunsad sa Tondo ng DA at DOLE

TONDO, MAYNILA — Inilunsad ngayong Biyernes ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang programang P20 Bigas o “Benteng Bigas, Meron Na!” sa Tondo, Maynila.

Layunin ng programa na makapagbigay ng bigas sa halagang P20 kada kilo para sa mga minimum wage earners upang mapagaan ang kanilang araw-araw na gastos.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ito ay katuparan ng isa sa mga pangakong kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga mahihirap.

Sinabi naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na malaki ang maitutulong ng programa sa pang-araw-araw na badyet ng mga manggagawa.

Paliwanag ni Laguesma, kung makabibili ng hanggang 10 kilo ng bigas sa halagang P20 kada kilo, makatitipid ng humigit-kumulang P100 hanggang P200, na maaaring gamitin sa iba pang pangangailangan.

Mula sa 500 kumpanyang katuwang ng DOLE sa buong bansa, mahigit 120,000 minimum wage earners ang inaasahang makikinabang sa unang bahagi ng programa.

Target ng pamahalaan na maabot ang 14 milyong Pilipino sa pilot run ng programa hanggang Disyembre, kabilang ang mga solo parent, senior citizen, PWD, at indigents.

Ang bigas ay mula sa buffer stock ng National Food Authority (NFA) na binili mula sa mga lokal na magsasaka upang masiguro rin ang suporta sa sektor ng agrikultura.

Inatasan na rin ng pamahalaan ang DA na palawakin ang implementasyon ng programa hanggang 2028. Jocelyn Tabangcura-Domenden