MAGUINDANAO DEL SUR — Patay ang isang school principal matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa tapat ng Sapakan Central Elementary School sa Rajah Buayan, Maguindanao del Sur, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Alamansa Ambiton, principal ng nasabing paaralan at opisyal din ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education sa Bangsamoro Autonomous Region. Siya ay residente ng Brgy. Barurao, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Police Captain Argie Eyana, hepe ng Rajah Buayan Municipal Police Station, naganap ang krimen bandang 10:30 ng umaga habang palabas ng paaralan ang biktima upang kumain sana sa isang karinderya.
Bigla umanong dumating ang dalawang armadong suspek sakay ng motorsiklo at agad siyang pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na direksyon.
Sa kabila ng mga tama ng bala, nagawa pa umano ng biktima na sumakay sa isang kulong-kulong at magtungo sa himpilan ng pulisya bago dinala sa ospital. Subalit, habang nilalapatan ng lunas ay binawian din siya ng buhay.
Sa isinagawang pagresponde ng mga awtoridad, nakarekober sila ng limang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng armas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek para sa agarang pagdakip. Mary Anne Sapico