TUWING sasapit ang Ber Month o Setyembre 1 ng bawat taon, hudyat na ito sa mga nasyon partikular sa Plipinas na nalalapit na ang Kapaskuhan bagaman mahigit itong isang daang araw pa.
Para sa mga Pilipino, Hulyo at Agosto pa lamang ay pabirong ipinapakita na sa social media ang sumisilip na imahe o larawan ng singer na si Jose Mari Chan na naging icon na kapag magpapasko dahil sa mga pamoso niyang Christmas songs gaya ng “Christmas in Our Hearts”, “A Perfect Christmas”, “ A Wish on a Christmas Night” at iba pa na talaga namang bukang-bibig ng marami lalo na ng mga bata.
Bagama’t dadaan pa ang mga buwan ng Oktubre at Nobyembre na may pagdiriwang pa ng Halloween at pag-alala sa mga banal na tao at namayapang kaanak na kung tawagin at “All Saint’s Day” at “ All Souls Day”, ay marami pa rin sa mga kababayan natin na matapos ang mga okasyong ito ay kaagad ng mamimili ng mga gagamiting Christmas decors para sa loob at labas ng kanilang mga tahanan.
May ilan pa nga na pagsapit na pagsapit pa lang ng Setyembre 1 ay may gayak pampasko na sa kanilang tahanan at maging sa tanggapan. Sinong makakalimot sa namayapang isa sa mga haligi ng showbiz industry na si German “Kuya Germs” Moreno? Sa loob ng kanyang tahanan ay laging Pasko ang tema at hindi na nagtatanggal ng Christmas tree at decors dahil para sa kanya ay araw-araw ang Pasko na simbolo ng pagpapatawad, pagbibigayan at pagmamahalan.
Kaya naman sa buong mundo kilala na ang ating bansang Pilipinas sa pagkakaroon ng pinakamasaya, pinakamakulay at pinakamatagal magdiwang ng kapaskuhan. Hindi gaya sa mga kapwa bansang Kristyano tulad ng kontinente ng Europa at Amerika na ang pasko ay pinagdiriwang lamang tuwing sasapit ang Simbang Gabi hanggang Pasko at hanggang Bagong Taon. (May karugtong)