PERSONAL na namahagi ng tulong pinansyal sa mga biktima ng sunog sa Sampaloc at Tondo sa Maynila si Mayor Honey Lacuna Pangan kung saan kasama niya sina Manila Vice Mayor Yul Servo at social welfare department chief Re Fugoso.
Nakatutuwang mismong ang alkalde ng Maynila ang nag-abot ng tulong sa mga biktima kamakailan ng sunog nang bumisita sa evacuation centers na tinitigilan ng mga ito. Nakita ng mga biktima na bagaman malakas ang ulan ay sinagasa ito ni Mayor Honey upang bigyan sila ng tulong at masiguradong inaalagaan sila sa lugar na pansamantala nilang tinitigilan.
Natuwa ang mga biktima na bagaman hindi maganda ang trahedyang nangyari sa kanila ay nakita nila ang malasakit sa kanila ni Lacuna at sinabihan sila na handa ang pamahalaang lungsod na tulungan sila na makapagsimula muli sa kanilang pamumuhay.
Ang mga biktima ng sunog kamakailan sa Sampaloc at Tondo ay umabot sa 116 kung saan ang mga ito ay tumanggap ng P10,000 cash upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa muling pagbuo ng kanilang bahay.
Sa kanyang pamamahagi ng tulong pinansyal, sinabi ng unang babaeng alkalde ng Maynila na dapat isaisip nitong mga residente ng sa oras na magkaroon ng sunog, kailangang i-report kaagad sa awtoridad at hindi kailangang inuuna ang pagkuha ng larawan na maipo-post sa social media.
Kapag naireport nang maaga ang anomang aksidente tulad ng sunog, ayon sa alkalde, ay magiging mabilis din ang responde ng mga kinauukulan.
Kailangan aniyang tandan na mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa mga ari-arian dahil ang pera ay kayang kitain upang makabili ng mga ari-ariang nawala dahil sa sunog at iba pang sakunang katulad nito.
Hindi ba maganda ang panuntunan ni Lacuna na buhay muna ang dapat mauna at hindi ang mga materyal na bagay.
“Ang mga materyal na bagay ay posibleng mabili muli subalit ang buhay ay hindi mapapalitan kaya unahin natin ang buhay at hindi ang pagsasalba ng mga kagamitan,” pagdidiin ni Lacuna na isang doktor.
Idinagdag pa nito na dapat ay matuto na sa nakaraan ang mga biktima ng sunog kung kaya’t dapat ay maging maingat na sila upang hindi na muling maging biktima pa ng mapanganib na sunog.