Home TOP STORIES Bernardo: Walang hininging proyekto o kickback sa kanya si Romualdez

Bernardo: Walang hininging proyekto o kickback sa kanya si Romualdez

2
0

MANILA, Philippines — Sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na hindi humingi sa kanya ng infrastructure project o nakipag-usap tungkol sa kickback si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Inilahad ni Bernardo ang pahayag sa cross-examination ng depensa sa Sandiganbayan noong Oktubre 29 kaugnay ng pagdinig sa petition for bail ni Romualdez sa plunder case na kinakaharap nito.

Sa pagtatanong ni defense lawyer Thea Daep, sinabi ni Bernardo na tumanggap siya ng pinansyal na pakinabang o tinatawag niyang “balato” mula sa ilang infrastructure projects na may iba’t ibang proponents.

Gayunman, sinabi niyang wala siyang personal na project transaction o financial arrangement kay Romualdez.

Nang tanungin kung nakibahagi ang dating Speaker sa mga pag-uusap tungkol sa project commitments, sumagot si Bernardo ng, “Wala po.”

Kinumpirma rin niya na sa kanyang mga affidavit ay hindi niya tinukoy si Romualdez bilang project proponent o bilang kausap sa mga negosasyon tungkol sa commission o kickback.

Ayon kay Bernardo, nabanggit lamang niya si Romualdez sa isang affidavit kaugnay ng birthday celebration ng anak ni dating DPWH Secretary at ngayo’y Sen. Mark Villar, kung saan kabilang ang dating Speaker sa mga dumalo. Inilarawan niya itong isang social event.

Sinabi rin ni Bernardo na wala siyang personal na kaalaman sa anumang commitment-fee scheme kaugnay ng DPWH projects sa Leyte.

Sa apat na akusado sa kasong tinatalakay sa hearing, sinabi niyang ang nalalaman niyang project transactions ay yaong iniuugnay niya kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa Bulacan.

Hindi na rin kinross-examine ng depensa ang isa pang prosecution witness na si Edrick San Diego dahil walang alegasyon laban kay Romualdez sa kanyang judicial affidavit.

Si San Diego, dating driver ni dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, ay nagtestigo tungkol sa umano’y paghahatid ng mga kahon ng pera sa ilang lugar at personalidad.

Sinabi rin ni Bernardo na ang mga iregular na arrangement sa infrastructure projects na kanyang nalalaman ay umiiral na noong 2002, nang siya ay district engineer sa Maynila—dalawang dekada bago naging Speaker si Romualdez noong Hulyo 2022.

Ayon sa kanya, naglalaro sa 10% hanggang 25%, at sa ilang pagkakataon ay umaabot sa 30%, ang umano’y commission na hinihingi ng ilang project proponents. Sinabi rin niyang maaaring kabilang sa proponents ang mga mambabatas, local officials, contractors at private individuals.

Kinumpirma rin ni Bernardo na ang DPWH ang nangangasiwa sa bidding ng mga proyekto habang may papel ang Department of Budget and Management sa pagpapalabas ng pondo. Ayon sa kanyang testimonya, walang papel ang Office of the Speaker sa bidding process o sa pagpapalabas ng Special Allotment Release Orders.

Gayunman, ang testimonya ni Bernardo sa cross-examination ay bahagi lamang ng nagpapatuloy na pagdinig at hindi katumbas ng pinal na desisyon ng Sandiganbayan sa mga kasong kinakaharap ni Romualdez. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here