MANILA, Philippines – Hinikayat ng isang mambabatas ang mga lokal na pamahalaan (LGU) na magsagawa ng “rescue buy” o direktang pagbili sa mga surplus na ani ng mga magsasaka upang maiwasan ang pagtatapon ng mga gulay dahil sa sobrang suplay.
Kasunod ito ng mga ulat ng pagtatapon ng mga ani sa gilid ng daan, tulad ng mga trak-trak na carrot at repolyo sa Tublay, Benguet, kung saan sinisi ng mga magsasaka ang oversupply at kawalan ng mga mamimili.
“Bilang frontliner at pinakamalapit na unit ng pamahalaan sa komunidad, maganda siguro kung tayo na rin ang manguna sa pagsalba sa ating mga magsasaka para hindi masayang ang pinagpaguran nila,” pahayag ni Abra Rep. JB Bernos.
Ayon sa mambabatas, maaaring ipamahagi sa mga pamilyang nangangailangan ang mga bibilhing gulay upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pagkain.
Binigyang-diin din ni Bernos na mayroon nang ilang LGU na nagsasagawa ng katulad na hakbang, lalo na tuwing may kalamidad upang masagip ang mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda.
“May mga model LGUs na tayo na bumibili ng mga produkto ng ating mga magsasaka’t mangingisda at ipinamimigay ito lalo na sa panahon ng sakuna,” ani Bernos.
Sinuportahan din ni Bernos ang panukala ni Education Secretary Sonny Angara na isama ang mga labis na gulay sa pinalawak na school feeding program ng pamahalaan.
Kamakailan ay ipinahayag ni Sec. Angara na pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng mga sariwang gulay para sa kanilang feeding program na kasalukuyang umaabot sa 4.6 milyong benepisyaryo, kabilang ang mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1. Gail Mendoza