Home NATIONWIDE ‘Beshie’ trafficker na nagsisilbing faciilitator sa mga biktima ng scam hubs nalambat

‘Beshie’ trafficker na nagsisilbing faciilitator sa mga biktima ng scam hubs nalambat

MANILA, Philippines- Pinuri ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto sa isang hinihinalang human trafficker makaraang maharang ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Abril 19.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, tinangka ng naarestong si alyas ‘Andy’ na pangasiwaan ang iligal na paglalakbay ng dalawang babae, edad 34 at 31, patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific flight sa NAIA Terminal 3 makaraang magpanggap ang mga ito bilang turista at nagbabakasyon lamang nitong Semana Santa.

Sinabi ni alyas ‘Andy’ na kaibigan niya ang dalawang biktima na tinawag niyang mga ‘beshies’, at nagpakita pa ng maraming dokumento ng dapat na lokal na trabaho, ngunit napansin ng mga opisyal ang ilang mga hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag.

Nang maglaon ay inamin ng tatlo na sila talaga ay patungo sa Cambodia matapos na alukin na magtrabaho bilang mga encoder at ahente sa isang call center doon. Sinabi ng mga biktima na ang kanilang mga pekeng dokumento ay ibinigay ng kanilang contact na nakilala nila sa Facebook.

Nabatid sa BI na inamin ni alyas ‘Andy’ na hindi niya kilala ang dalawa niyang kasama, at pinadali niya ang kanilang pag-alis at nagpapanggap na magkaibigan sila, para tumuloy sila sa Cambodia.

Sinabi ng mga awtoridad na ito ay isa pang malinaw na kaso ng mga biktima na na-recruit para sa kalaunan ay sapilitang magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa.

Ang suspek at ang kanyang mga biktima ay isinangguni sa inter-agency council against trafficking (IACAT) na nagpatuloy sa imbestigasyon sa insidente.

Nabatid sa mga awtoridad na ito na ang ika-13 human trafficker ang naaresto ngayong taon. JAY Reyes