MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto sa isang Chinese national na nagpanggap na Pinoy at umano’y nagmamay-ari ng isang financial holdings company na may 47 subsidiary at 97 real estate property sa isinagawang operasyon sa Pasig City.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang Chinese na si Lu Tianqu, 32, na naaresto noong Huwebes, Abril 24, sa isang hotel sa Pasig City.
Sinabi ni Viado na inaresto si Lu matapos ipaalam sa BI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang dayuhan ay nagpapakilalang isang mamamayang Pilipino na may maraming transaksyon sa buong bansa.
“Lu was reportedly using a Philippine passport, a Philippine driver’s license, and was found to have registered as a Filipino national,” ayon sa BI.
Ayon pa sa BI, na ang mga ari-arian ng real estate ni Lu ay matatagpuan malapit sa mga kritikal na pambansang imprastraktura.
“Ang sinumang nagpapanggap bilang Pilipino para makalusot sa ating mga batas ay may pananagutan,” ani Viado.
“Sa direktiba ng ating Pangulo, pinalalakas natin ang pagbabantay sa mga banyagang nagtatangkang abusuhin ang ating mga sistema. Hindi tayo papayag na gamitin ang pagiging Pilipino bilang panangga sa iligal na gawain,” dagdag pa ng opisyal.
Kasalukuyang nasa detention facility ng BI si Lu sa Taguig City habang hinihintay ang deportasyon nito. JAY Reyes