MANILA, Philippines- Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na panagutin ang lahat ng sangkot ng opisyal sa umano’y mapanganib at “unauthorized” field trip ng Bestlink College of the Philippines na nabigay umano ng panganib sa maraming estudyante.
Kasabay nito, hiniling din ni Gatchalian sa Securities and Exchange Commission (SEC) na tulungan ang mga guro na nabiktima ng investment scam sa Laguna.
Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education na dapat managot ang naturang eskwelahan sa umano’y hindi awtorisadong field trip ng Bestlink College of the Philippines na nagbigay umano ng panganib sa estudyante.
Lubhang nabahala si Gatchalian sa napaulat na “harrowing experiences” ng maraming estudyante ng Bestlink College sa ginanap na “unauthorized” out-of-town founding anniversary celebration sa Hermosa, Bataan.
Aniya, dapat magkaroon ng strict safety protocols sa off-campus school activities.
“Students deserve to feel safe and supported during field trips, which are meant to enhance their education. The failure to ensure students’ well-being is unacceptable,” ani Gatchalian saka sinabi na hindi lamang ito naharap ang Bestlink College sa ganitong sa off-campus activities.
Noong Pebrero 2017, isang off-campus activity ng Bestlink College sa Novaliches, Quezon City, ang nag-iwan ng 15 patay at 40 estudyanteng sugatan.
Kahit nagbigay ng show-cause order ang Commission on Higher Education (CHED) laban sa paaralan, hiniling ni Gatchalian sa ahensya na kaagad tukuyin ang responsable sa insidente at patawan ng kaukulang parusa at magsagawa ng corrective measures.
“I also urge CHED, as well as schools and higher institutions, to revisit policies on off-campus activities to ensure that students’ safety is never compromised,” aniya.
Sa kabilang dako, kinondena naman ni Gatchalian ang isang cosmetics at skincare investment scam na nakapanloko ng ilang guro sa Biñan, Laguna at iba pang indibidwal na nagkakahalagang P500 million.
“I stand with them in their call for justice and accountability. Nakakalungkot at nakakagalit na may mga masasamang loob na patuloy na nanlilinlang at nagnanakaw mula sa ating mga kababayang tapat na naghahanapbuhay,” giit niya.
Kahit nagsampa na ng kasong estaffa laban sa sindikato sa likod ng mapanlokong investment scheme, nanawagan din si Gatchalian sa Securities and Exchange Commission (SEC) na kumilos upang tulungan ang biktima.
Hiniling din niya sa awtoridad na tugisin ang chief executive officer ng kompanya na kasalukuyang nagtatago.
“As we pursue justice for the victims of this scam, it is equally important to protect our citizens from falling prey to similar schemes,” wika niya. Ernie Reyes