MANILA, Philippines- Hindi pa rin ligtas kainin ang mga isdang nahuli sa dalawang lungsod at tatlong bayan sa lalawigan ng Cavite dahil sa oil spill mula sa lumubog na tanker sa Bataan noong nakaraang buwan, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Huwebes.
Tinukoy ni BFAR Officer in Charge Isidro Velayo Jr. ang mga apektadong lugar kabilang ang Bacoor City, Cavite City, at mga bayan ng Noveleta, Rosario at Tanza.
Subalit, ligtas kainin ang isda na nahuli sa ilang lugar sa lalawigan tulad ng Naic, Ternate, Kawit at Maragondon, base kay Velayo.
Ito ay kasunod ng pagpasa ng mga isda at iba pang fishery species na nakolekta mula Aug. 7 hanggang Aug. 21 sa mga lugar na ito sa tatlong magkakasunod na sensory evaluation tests.
Sa naunang bullaetin noong Aug. 13, idineklara ng BFAR na ang isda at seafood products mula sa Metro Manila at mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Batangas ay ligtas kainin.
“Fish in an area can be declared safe for human consumption if samples analyzed have already passed three consecutive batches of sensory evaluation,” giit ni Velayo.
Ang mga sample mula sa Bacoor City, Cavite City, Noveleta, Rosario at Tanza ay pumasa lamang sa dalawang magkasunod na consecutive batches ng mga test.
Tiniyak ng BFAR sa publiko na ipinagpapatuloy nito ang pagbabantay at pagsusuri sa mga posibleng apektadong fishing areas at mga komunidad sa paligid ng Manila Bay kahit na tatlong linggo na ang nakalilipas mula nang lumubog ang MT Terranova sa bayan ng Limay, Bataan.
Sinabi ng ahensya na patuloy ang pagsasagawa nito ng fish sampling at sensory evaluation sa potentially affected areas upang matukoy ang anumang presensya ng langis. RNT/SA