MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) na ang aktibong mobile phone SIM card na gamit ni Alice Guo ang dahilan kaya’t na-trace ito ng mga Indonesian police sa townhouse na tinutuluyan nito sa Tangereng City na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto.
Ayon sa BI Fugitive Search Unit, may tatlo umanong cellphone number na nakuha at may isang active number ang ginagamit umano ni Guo kung saan doon ito na-track at napuntahan ang kanyang pinagtataguang lokasyon.
Si Guo ay tumakas sa Pilipinas noong Hulyo sa kabila ng pagiging nasa Philippines immigration lookout bulletin.
Naglabas ang regional trial court sa Capas, Tarlac ng warrant para sa pag-aresto sa kanya sa kasong graft habang inihahanda siya para sa deportasyon sa bansa noong Huwebes ng hapon.
Sinabi ng BI na isang babaeng monghe, na si Guo ang nakilala sa mall na nagmamay-ari ng townhouse. Kinilala rin ng mga awtoridad ang apat na Chinese at Indonesian citizen na tumulong kay Guo na magtago sa Indonesia.
Matatandaan na ang 33-anyos na na-dismiss na mayor ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo dahil sa paulit-ulit na pagkabigong dumalo sa imbestigasyon ng upper chamber sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Noong Hunyo, nagsampa rin ng reklamo ang mga awtoridad laban kay Guo at iba pa dahil sa umano’y human trafficking kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban. Ito ay isinumite para sa resolusyon noong nakaraang buwan.
Nahaharap din ang na-dismiss na alkalde sa kasong deportasyon mula sa BI at 87 counts ng money laundering. JAY Reyes