MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na plano nilang bumili ng nasa mahigit 100 electronic gates (e-gates) para makapagbigay ng mahusay at ligtas na pagproseso ng imigrasyon partikular sa mga terminal na dinadagsa ng mga pasahero tulad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“The e-gates are now the international standard,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado.
Sinabi ni Viado na ang e-gates, na inilunsad noong 2019, ay unmanned gates na nagpoproseso ng mga bumibiyaheng pasahero at pinapalitan ang mga immigration booth na pinangangasiwaan ng mga opisyal ng BI.
Binanggit niya ang kahalagahan ng e-gates matapos silang magsagawa ng joint inspection ng NAIA Terminal 1 ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon noong Mayo 9.
Ayon kay Viado, nakita ang pangangailangan na mag-deploy ng mas maraming e-gates upang suportahan ang pagtaas ng dami ng mga internasyonal na pasahero.
Sa ngayon, mayroon nang 21 e-gates ang BI sa mga pangunahing paliparan sa bansa, aniya rin.
Idinagdag ni Viado na magpapatuloy sila sa pagsasagawa ng mga inspeksyon upang masubaybayan at mapabuti ang operasyon ng paliparan. JR Reyes