Home NATIONWIDE BI, CFO sanib-pwersa sa ‘real time, accurate data’ sa migration

BI, CFO sanib-pwersa sa ‘real time, accurate data’ sa migration

MANILA, Philippines- Inilunsad ng Bureau of Immigration (BI) at ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang isang joint system o magkasanib na sistema na magbibigay-daan sa pagbuo ng real time at tamang datos para sa mga port of entry at exit nito lamang nakaraang linggo.

Ang nasabing kaganapan ay isinagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na naglalayong magbigay ng pinasimple at mahusay na pamamaraan ng pagproseso, pagkolekta, pag-verify, at pagbabahagi ng impormasyon o data na kailangan ng parehong CFO at BI.

“The system presented showed an interconnected system between the two agencies, allowing for real-time verification of certificates issued by CFO upon presentation to immigration officers,” anang Bi.

Target ng pinagsamang sistema na tugunan at alisin ang ilegal na recruitment, human trafficking, at iregular na mga insidente ng migration sa Pilipinas habang bumubuo ng tumpak na datos sa migration.

“Interoperability is an important part of modern governance,” ani BI Commissioner Norman Tansingco. “The integration of our systems to share real-time data will provide streamlined and efficient services to the public,” dagdag pa ng opisyal.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Tansingco ang pagharang sa isang babaeng biktima na nagpakita ng bogus o pekeng CFO certificate sa Clark International Airport (CIA) Terminal 2.

Sa ilalim ng batas, ang mga Pilipinong imigrante na aalis upang permanenteng manirahan sa ibang bansa ay kinakailangang magparehistro sa CFO at kumuha ng mga sertipiko na dumalo sila sa pre-departure orientation seminar o peer counseling session ng komisyon.

Tinangka ng babaeng biktima na umalis patungong Busan noong Marso 13 nang harangin siya ng mga immigration officer. Napag-alamang may hawak siyang pekeng CFO certificate, na inamin niyang nakuha sa Facebook sa halagang P8,500. Siya ay isinangguni sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa pinagmulan ng pekeng dokumento.

Sinabi ni Tansingco na ang pinagsamang sistema ng BI at CFO ay magbibigay-daan sa agarang pagtuklas ng mga pekeng sertipiko ng CFO at maiwasan ang mga pagtatangka ng panloloko. JAY Reyes

Previous article3 sugatan sa sunog
Next article‘Zero-Backlog Policy’ ipinaalala sa mga piskal