Home NATIONWIDE BI kinastigo ni Chiz: Istrikto sa Pinoy papuntang abroad, maluwag sa POGO

BI kinastigo ni Chiz: Istrikto sa Pinoy papuntang abroad, maluwag sa POGO

MANILA, Philippines- Matinding kinastigo ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang “ugali” ng Bureau of Immigration (BI) sa pagiging sobrang istrikto sa nga Pilipinong nagpupunta sa abroad, pero sobrang luwag naman sa pumapasok ng empleyado at player ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.

“Istrikto sila sa mga Pilipinong umaalis pagdating sa pag-ooffload pero ang luwag-luwag naman nila pagdating sa mga POGO employees, POGO players,” ayon kay Escudero.

“Hindi ba dapat istrikto tayo sa nakakapasok sa ating bansa at maluwag tayo sa kapwa nating Pilipinong nais makipagsapalaran sa ibang bansa dahil wala naman tayong polisiya laban sa pagiging OFW? ” dagdag niya.

Binanggit ito ni Escudero matapos ihain ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang resolusyon na nanawagan ng imbestigasyon sa ulat na dumami ang bilang ng Chines students sa Cagayan na nagbabayad ng halagang P2 million kada degrees.

Sinabi ni Escudero na unang iimbitahan sa imbestigasyon ang BI sakaling maibigay sa Senate committee on higher education ang panukala na kanyang pinamumunuan.

Layunin ni Gatchalian sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 1007 na tuklasin ang katotoohanan sa likod ng isyung ibinulgar na maraming foreign students partikular Chinese nationals ang nakakukuha ng degree sa Cagayan kapalit ng naturang halaga na ibinulgar ni University of the Philippines (UP) professor Chester Cabalza.

Iniulat din ni Cabalza, founding president ng think tank International Development and Security Cooperation, hindi dumadalo sa klase ang naturang estudyante.

Naunang hinikayat ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang ulat. Inihayag naman ng CHED na pormal na maghahain si Cabalza ng reklamo bago magsagawa ng imbestigasyon ang CHED dahil hindi pa sila nakatatanggap ng anumang reklamo sa paglabag ng ilang higher education institution sa Cagayan.

Ani Escudero, hindi pa naghahain ng reklamo ang propesor.

“Kahit pigain ko ‘yong CHED wala silang masasagot sa akin. Hindi kasi nila pwedeng imbestigahan kung walang nagrereklamo pagdating sa bagay na academic freedom,” aniya.

Lumutang ang ulat na lumobo ang bilang ng Chinese students na gumagala sa Cagayan, partkular malapit na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site sa lalawgan.

“Pinipigilan nila sa iba’t ibang parte ng bansa at ang ginagamit na dahilan ay may malapit na kampo doon. Nais kong malaman, may polisiya na ba talaga ang pamahalaan kaugnay nito? Pangalawa, anong pakialam ng AFP at anong kapangyarihan ng AFP pagdating sa mga namumuhunang negosyante na dayuhan dito sa ating bansa kaugnay ng kanilang mga malapit sa kampo, malapit sa EDCA sites,” aniya.

“Sa dami ng EDCA sites ang daming lugar na hindi pwedeng pasukan ng mga dayuhan kung saka-sakali. At bakit nila nililimitahan lamang sa bansang China?” giit pa ng senador. Ernie Reyes