MANILA, Philippines- Ibinida ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na may kabuuang 26,055,748 manlalakbay ang naproseso ng kanilang ahensya noong 2023 o 118 porsientong mas mataas kaysa sa 11,977,688 na nakarehistro noong 2022.
Iniugnay ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pagtaas sa “revenge travel ” kasunod ng travel restrictions dulot ng pandemya ng COVID-19.
Aniya, ang mga pasaherong naproseso noong 2023 ay may kasamang 151 porsyentong spike sa tourist arrivals at 79 porsyentong surge sa bilang ng mga flight na inihatid.
Sa pagtaas ng bilang ng paglalakbay, tiniyak ni Tansingco na nananatiling nakatuon ang BI sa pagtupad sa bisyon ni Pangulong Marcos para sa isang mas mahusay at ligtas na Pilipinas.
“We are paving the way for a new beginning for the Bureau of Immigration,” sabi ni Tansingco bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa Lunes, Hulyo 22.
“The ‘Bagong Immigration’ vision is now within reach,” dagdag pa ni Tansingco.
Ayon pa kay Tansingco, umabot sa 3,359 undesirable aliens ang kanilang naaresto noong 2023 na mas mataas sa 2,768 na naitala noong 2022.
Kasabay nito, sinabi niya na ang Pilipinas ay patuloy na nasa Tier 1 na listahan sa Trafficking in Persons Report ng Estados Unidos.
Aniya, inendorso pa ng BI ang 726 kaso ng trafficking sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) noong nakaraang taon.
Idinagdag niya na nasa 171 dayuhan na nahatulan ng sex crimes ang naharang ng BI na makapasok sa bansa noong 2023.
Ibinahagi ng BI na nailunsad nila noong unang bahagi ng taon ang kampanyang #Shieldkids na naghihikayat sa mga mamamayan na mag-ulat ng mga potensyal na kaso ng pagsasamantala at pang-aabuso sa bata na ginawa ng mga dayuhan.
Nagsimula rin noong 2023 ang buong pagpapatupad ng Integrated eTravel System nito na pumapalit sa paper-based arrival at departure card ng digital system.
Ayon pa kay Tansingco, nitong Abril ay sinimulan din ng bureau ang label-free processing para sa mga darating na pasahero na gumagamit ng electronic gates at pinayagan din nito ang online visa extensions gayundin ang online applications para sa special study permits at student visa.
Noong nakaraang Hulyo 16, inilunsad ng BI, kasama ang Department of Tourism, ang Cruise Visa Waiver program na nagpapadali sa pag-iisyu ng visa sa mga turista ng cruise. JAY Reyes