MANILA, Philippines- Inihayag ng Manila International Airport Authority (MIAA) na patuloy nitong sinusubaybayan at pinangangasiwaan ang sitwasyon hinggil sa global outage ng information technology (IT) systems, batay sa kanilang post sa social media page na Facebook nitong nakaraang hatinggabi ng Sabado.
Batay sa oras ng pag-post, sinabi ng MIAA na walong airline sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (Pasay City) at isa sa Terminal 2 (Parañaque City) ang apektado.
“The terminal management has deployed additional personnel to efficiently handle build-up of passengers at check-in counters while also distributing Malasakit (Care) Kits to passengers impacted by the situation,” ayon sa MIAA.
Pinayuhan ang mga pasahero na suriin ang kanilang flight status bago magtungo sa paliparan.
Ang MIAA ay maaaring makontak sa pamamagitan ng mga sumusunod na landline number: flight information: (02) 8877-1109, T1 – local 2181; T2 – lokal 2182; T3 – lokal 2183; T4 – lokal 2184; at hotline 8877-1111.
Ang mga pasahero ay maaari ring magpadala ng mga mensahe o katanungan sa pamamagitan ng TextNAIA sa 0917-8396242.
Kaugnay nito, kinansela ng Cebu Pacific ang 37 flight noong Biyernes at lima noong Sabado, habang sinabi ng Philippine Airlines na hindi ito apektado. JAY Reyes