HINIKAYAT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga biyahero na darating sa bansa na gumamit ng electronic gates (E-Gates) na nakalagay sa mga airport terminal para sa mas mabilis na pagproseso.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang E-Gates ay makakatulong na bawasan ang oras ng pagproseso ng mga pasahero mula sa karaniwang 45 segundo hanggang 8 segundo na lamang.
Ayon sa BI, nitong huling araw ng Oktubre ay nasa kabuuang 32,045 na pasahero ang dumating ngunit nasa 5,210 lamang ang gumamit ng E-Gates.
“Departures significantly increased before Undas, and we project that arrivals will rise in the next few days after the long holiday,” ani Tansingco.
Batay sa datos ng BI, nasa kabuuang 32,352 departures ang naitala noong Oktubre 31 kung saan inaasahan ito na maaaring tumaas ng hanggang 35,000 sa susunod na mga araw.
Sinabi ni Tansingco na sa pag-apruba ng budget ng BI, plano nilang dagdagan ang bilang ng E-Gates bilang bahagi ng programa nitong mag-automate. Jay Reyes