MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Indonesia pa rin ang kapatid ng na-dismiss na si Bamban, Tarlac Mayor Alice L. Guo na si Wesley L. Guo.
Sa panayam kau BI spokesperson Dana Krizia Sandoval, wala pa umano silang natatanggap na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng Indonesia kung umalis ba si Wesley sa nasabing bansa ngunit malaki aniya ang kanilang paniwala na nasa loob pa rin ito ng Indonesia.
Ibinunyag ni Sandoval na nakatanggap ang BI ng impormasyon na umalis si Wesley sa Indonesia patungong Hong Kong.
Gayunman, sinabi ni Sandoval na wala pa umano silang nakuhang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ng Hong Kong.
Sinabi ni Sandoval na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang BI sa mga awtoridad ng Indonesia para sa pagbabalik ni Alice sa Pilipinas matapos itong arestuhin.
Sa pagbanggit sa mga ulat mula sa gobyerno ng Indonesia, sinabi ni Sandoval na nag-iisa si Alice sa kanyang inuupahang unit nang siya ay arestuhin bilang isang ilegal na dayuhan ng mga lokal na awtoridad bandang ala-1:30 ng umaga noong Miyerkules sa Banten sa Jakarta, Indonesia.
Bago ang pag-aresto, sinabi ni Sandoval na ipinaalam ng BI sa mga awtoridad ng Indonesia na si Alice ay nahaharap sa isang arrest order sa Pilipinas at mayroon ding dokumentasyon bilang isang Pilipino at bilang isang mamamayang Tsino. JAY Reyes