MANILA, Philippines – Niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa isang panukalang batas na magpapalawak ng oportunidad sa pagpapaunlad ng karera ng lahat ng guro, kabilang ang mga school leader.
Sa isang pahayag, iniulat ni Senador Win Gatchalian na aprubado na ng Mataas na Kapulungan ang bicam report ng Senate Bill No. 3000 at House Bill No. 10270 na tatawaging Career Progression for Public School Teachers and School Leaders Act.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng panukala na palawakin ang oportunidad ng mga guro at school leader na umangat sa kanilang mga posisyon—na magdudulot ng positibong epekto sa pagtuturo at sa kabuuang sistema ng edukasyon sa bansa.
“Ang pinagtibay na panukala ay nagtataguyod ng Career Progression System para sa mga guro at school leaders ng mga pampublikong paaralan upang isulong ang kanilang propesyonal na pag-unlad at pag-angat sa karera,” ayon kay Gatchalian.
Inaatasan ng batas ang Department of Budget and Management (DBM) na lumikha ng mga bagong teaching position titles: Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher IV, Master Teacher V, Master Teacher VI, at School Principal V.
Maaaring ma-promote ang mga guro at school leader sa pamamagitan ng natural vacancy o reclassification ng posisyon base sa merito at galing alinsunod sa professional standards, paliwanag ng senador.
“Sa pamamagitan ng panukala nating malapit nang maisabatas, mapapalawak natin ang mga oportunidad para sa pag-angat ng karera ng ating mga guro at mga school leader,” ani Gatchalian, sponsor at isa sa mga may-akda ng niratipikahang panukala.
– Ernie Reyes