MANILA, Philippines- Naniniwala si Senador Joel Villanueva na lubhang kinatatakutan ni Alice Guo ang itinuturing na “big boss” ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa na si Duanren Wu.
Sinabi ni Villanueva na hinihinalang isang dating pulis sa China si Wu at incorporator ng Whirlwind Corp., na umupa sa isang ari-arian sa Porac, Pampanga kung saan nakatayo ang Lucky South 99 compound.
Sinabi ito ng senador matapos ang ipinalabas na pahayag ng isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinangalanan si Huang Zhiyang bilang “boss of all bosses” ng illegal POGOs.
Isa si Huang sa co-incorporators ni dismissed mayor Alice Guo sa Baofu Land Development, na umupa sa isang lote sa nilusob na POGO firm sa Bamban, Tarlac.
Napaulat pa, ayon kay Villanueva, ang puganteng Chinese si Huang na mayroong limang pasaporte na nakuha sa isang raid sa Clark Freeport Zone, Pampanga.
“I don’t believe na siya (Huang Zhiyang) ‘yung big boss na sinasabi ng iba. Kasi para sa akin, itong Duanren Wu na ito, ito talaga yung notorious,” ayon kay Villanueva sa virtual interview ng reporters.
“He’s the one running the show in [so] far as ‘yung pagiging notorious group na nandito sa Pilipinas. Parang siya ‘yung big boss na kinatatakutan. Siya ‘yung pinaka-mastermind sa mga violent acts, tortures, kidnappings, etcetera. So, siya ‘yung pinaniniwalaan ko. Dahil siya ‘yung talagang ‘yung background,” anang senador.
Sinabi ni Villanueva na dinala din ni Duanren Wu, dating police officer sa China, ang ilang Chinese military officers sa Pilipinas.
“Kung may kinatakutan si alias Alice, si Guo Hua Ping, mukhang itong si Duanren Wu,” wika niya.
Idinagdag pa ni Villanueva na si Duanren Wu ang “beneficial owner” ng Porac POGO hub at hindi si Zhang Jie, dating presidente ng Lucky South 99.
“Yung Zhang Jie is tauhan lang ni Duanren Wu yan… Si Zhang Jie siya ‘yung nag check-in at nag facilitate ng hotel dun sa Batam, Indonesia. Inamin ni Shiela ‘yan at ni alias Alice. Tapos siya din ‘yung Zhang Jie, siya din ‘yung nakita sa picture na nasa airport na sumundo o naghatid kay alias Alice. But ‘yung money trail puro galing du’n sa kumpanya ni Duanren Wu,” giit niya.
Sinabi pa ni Villanueva na magkatulad ang address nina Duanren Wu at Zhang Jie na ginamit ng ilang kompanya at isang café na ginagamit naman sa money laundering.
“‘Yung address ng cafe at isa pang kumpanya… dun nilalabhan eh. ‘Yun ‘yung laundering activities nangyayari du’n sa dalawang kumpanya na ‘yun e,” paglalahad ng senador.
Kahit hindi kinumpirma o itinanggi ni Villanueva na si Huang Zhiyang ang pangalan na isinulat ni Guo sa kapirasong papel nitong pagdinig noong Lunes ngunit siya ang tumulong sa dating alkalde na makatakas ng bansa sa simula pa.
“Itong si Huang Zhiyang, siya pa rin ‘yung lumalabas from the very beginning na tumulong para tumakas itong si alias Alice. In fact, si alias Alice already admitted na idea ni Huang Zhiyang na umalis siya. Siya talaga ‘yung unang may idea na nagbigay sa kanya na umalis siya. So talagang klarong-klarong ito ‘yung primary major player na tumulong para tumakas sina alias Alice,” ani Villanueva.
Naunang binanggit ni Senador Sherwin Gatchalian sina Duanren Wu, Zhang Jie, at Huang Zhiyang as na tumulong kay Guo habang nagtatago ito sa ibang bansa. Ernie Reyes