MANILA, Philippines- Pinapayagan na ngayon ang local government units (LGUs) na umutang ng National Food Authority (NFA) rice.
Inihayag ito ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro matapos na makapulong si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., araw ng Miyerkules.
Sa press briefing sa Malakanyang, ipinaalam ni Castro kay Tiu Laurel ang sentimyento ng ibang LGUs na hindi kayang bumili ng bultong NFA rice.
Ani Castro, ang LGUs na kapos ang pondo ay kailangan na makipag-ugnayan sa Food Terminal Terminal Incorporated (FTI) para sa credit purchase ng NFA rice.
“Ang sabi sa atin ni DA Secretary Laurel, puwedeng kumuha ng bigas, utang, kausapin ang FTI,” ang sinabi ni Castro.
“Puwede silang magbayad after. So ‘yun po ang good news. Hindi po kailangang maglabas ng cash ang LGUs na hindi po kakayanin na bumili kaagad ng NFA rice. So, makipag-ugnayan lang po sa FTI at sila po mabibigyan,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, pinayuhan ni Castro ang LGUs na magbenta ng NFA rice sa presyong P33 per kg. sa halip na P35 para pagaanin ang kalagayan ng mga consumers.
Nagpapatupad ang NFA ng iba’t ibang istratehiya para paluwagin ang espasyo ng bodega nito para sa local palay procurement sa buong bansa, sa gitna ng mabagal na pagbibitiw ng rice stocks sa LGUs.
Matatandaang hinikayat ng NFA ang LGUs na bilisan ang pagkuha ng NFA rice mula sa DA, sa pamamagitan ng FTI, sa ilalim ng food security emergency para sa bigas.
Tinatayang 70 LGUs ang nagpahiwatig ng kanilang interes na makakuha ng NFA rice.
Sa ngayon, tanging ang San Juan at Navotas sa Metro Manila at Camarines Sur sa Bicol Region ang nakakuha ng inisyal na ipinalabas na NFA rice. Kris Jose