Home OPINION BIGAY-LUPA, PALIT-BOTO?

BIGAY-LUPA, PALIT-BOTO?

ANG mga naging pahayag ni Senator Cynthia Villar, na nangyari nitong Disyembre 18 sa isang pagtitipon sa Sitio Pugad Lawin sa Las Piñas City, ay umani ng mga pambabatikos sa kanya sa social media.

Prangkahan na tayo, ang garapalang mensahe niyang iyon sa kanyang constituents ay totoong ikinagulat ko. Hindi ko inakalang ganun na lamang niya insultuhin ang mahihirap kasabay ng lantarang paglapastangan sa diwa ng demokrasya.

Sa kanyang mga sinabi, walang kahihiyang iginapos niya ang pamamahagi ng lupa, parang ‘carrot’ na itinali sa patpat, sa katiyakan ng boto mula sa mga residente ng siyudad. Pasimplehin natin, hindi ba’t parang panggigipit na pulitikal ang dating nito?

“The election results will measure your gratitude for our land grants,” idineklara niya base sa video na kuha sa pampublikong pagtitipon. Ang nakakatakot na pahayag niyang ito ay delikado nang maituturing na pamba-blackmail para sa boto.

At mistulang hindi pa siya nasiyahan, dahil nagbanta pa siya na posibleng “magbago ng isip” ang kanilang pamilya tungkol sa pagkakaloob ng lupa kung hindi susuportahan ng mga residente ang mga miyembro ng kanilang pamilya na kandidato sa eleksyon ngayong taon.

Wow! Ang masasabi ko lang, mukhang buong-buo sa isip ni Senator Cynthia ang paniniwala na ang kinalakihan niyang pamilya — ang mga Aguilar, isang napakatagal nang political dynasty sa Las Piñas — ay may karapatang kontrolin at pamunuan ang lungsod. Ito kaya ang dahilan kaya ganito siya magsalita?

Totoo nga kayang ang pagkakaintindi niya, ang mga lokal na posisyon sa kanyang kinalakihang siyudad ay isang bagay na minamana at pinagpapasa-pasahan dapat ng kanyang pamilya kaysa isang pribilehiyo na nakakamit sa pamamagitan ng tapat at patas na halalan? Labis na nakababahala ang ganoong pag-uugali niya, dahil minamaliit niya ang pangunahing prinsipyo ng demokrasya na ang paglilingkod sa bayan ay nakabatay sa tiwala ng publiko.

Agaran namang pinabulaanan ng karibal ng mga Aguilar, at siyang makakatapat ng senador sa pagkandidato niya para sa congressional seat ng siyudad ngayong taon, na si Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos, ang sinabi ng mambabatas.

Ayon kay Santos, ang limang ektaryang lupa sa Sitio Pugad Lawin, na tahanan ng nasa 4,800 residente, ay hindi kailanman naging pagmamay-ari ng mga Villar o mga Aguilar. Tinukoy pa nga niya ang mga record mula sa City Assessor’s Office na nagsasabing ang lupang iyon ay nakapangalan sa isang Camilo Sabio at sa misis nito simula pa noong 1980s.

“Imagine distributing land that isn’t even yours just to secure votes. This shows their greed,” quoted ng media na sinabi ni Santos.

Tinuligsa ng labor leader at abogado na si Atty. Luke Espiritu ang senador, binansagan ang mga pahayag nito bilang taktika ng panggigipit na nagpapatunay sa mga pang-aabusong ginagawa ng mga political dynasty. Binira rin ni Espiritu ang umano’y kasaysayan ng pagsasamantala raw ng mga Villar sa mga usapin sa pagmamay-ari ng lupa para sa sarili nilang kapakinabangan, na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng maraming komunidad.

Sa huli, hinikayat ng YouTube lawyer na si Atty. Claire Castro ang National Bureau of Investigation na agarang imbestigahan ang nasabing insidente. Aniya, dapat na masusing imbestigahan ni NBI Director Jimmy Santiago ang pagtatangkang ito na alisan ng karapatan ang mga botante na malayang piliin ang kanilang ihahalal sa pagbabanta sa simpleng pangarap nilang magkaroon ng sariling lupa.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).