Home NATIONWIDE Bigtime oil price hike gugulong sa Martes

Bigtime oil price hike gugulong sa Martes

MANILA, Philippines- Muling magpapatupad ng malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P1.90 sa kada litro ng kanilang gasolina, P1.50 sa kada litro ng diesel at P2.50 sa kada litro ng kanilang kerosene epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag presyo din sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng hatinggabi habang ang CleanFuel naman ay magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ito na ang ika-limang sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina habang nasa ikaanim na magkakasunod na linggo naman para sa produktong diesel at kerosene.

Ang ipapatupad na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa Oil Industry Management Bureau, ang sunod-sunod na oil price hike ay bunsod sa pagbabawas ng produksyon ng Saudi.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.50 sa kada litro ng kanilang gasolina, P4.00 sa kada litro ng diesel at P2.75 sa kada litro ng kanilang kerosene. JAY Reyes

Previous articlePilipinas sibak sa Indonesia, natapos na kulelat sa SEA V. League
Next articleSenate blue ribbon probe vs Manila Bay reclamation, ikinasa ni Ejercito