MANILA, Philippines- Muling magpapatupad ng malakihang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.
Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas presyo na P1.00 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.65 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
May big time oil price rollback din sa presyo ng mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng madaling araw.
Ang ipapatupad na malakihang bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng big time oil price rollback ang mga kompanya ng langis sa bansa na P1.55 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.40 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes