MANILA, Philippines- Kabuuang 2,451 na persons deprived of liberty (PDLs) na pinawalang-sala na sa kanilang mga kaso ang napalaya na ng Bureau of Corrections (BuCor) mula Hunyo 2022.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na karamihan sa mga PDL ay nagdusa ng ilan taon sa kulungan at naabswelto lamang ng korte.
Inihalimbawa nito ang kaso ni Gideon Senarosa na nakulong ng 28 taon sa kasong murder at attempted murder at pinalaya nitong Setyembre 7, 2023.
Dahil sa mga ganitong insidente, welcome development sa BuCor ang pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagkuha ng Public Attorney’s Office (PAO) ng 178 na mga bagong abugado.
Ayon kay Catapang, nangangahulugan ito ng mas maraming abogado na tutulong sa kaso ng mga PDL.
Malaking bagay din aniya ang tulong ng Department of Justice (DOJ) para mapaluwag ang mga kulungan sa ilalim ng BuCor. Teresa Tavares