LA GUAIRA, Venezuela – Umabot na sa 1,719 ang kumpirmadong nasawi sa magkakasunod na malalakas na lindol sa Venezuela, habang libo-libo pa ang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga rescuer.
Limang araw matapos ang magnitude 7.2 at 7.5 na lindol, lumiit na ang pag-asang may makaligtas pa sa ilalim ng mga guho. Gayunman, isang 21-anyos na lalaki ang matagumpay na nailigtas sa bayan ng Tanaguarena.
Sa pansamantalang morgue sa La Guaira, daan-daang bangkay ang naghihintay na makilala ng kanilang mga pamilya.
Samantala, muling binuksan ng militar ng Estados Unidos ang pangunahing daungan sa La Guaira matapos itong ayusin upang mapabilis ang pagdating ng mga suplay at kagamitang pang-ayuda. Tinutulungan din ng US ang pagkukumpuni ng Simon Bolivar International Airport para sa mga cargo at relief flights.
Ayon sa United Nations (UN), magpapadala ito ng 10,000 body bags sa Venezuela. Mahigit 3,150 katao rin ang nasugatan at tinatayang 2,500 gusali ang nasira o tuluyang gumuho.
Nagdoble rin ang Estados Unidos ng ayuda nito sa $300 milyon, habang 27 bansa ang nagpadala ng mahigit 40 search and rescue teams.
Patuloy namang dumarami ang reklamo ng mga residente dahil sa mabagal na pagresponde ng pamahalaan. Naiulat din ang mga insidente ng pagnanakaw sa ilang lugar na labis na sinalanta ng lindol.
Tinataya ng UN na hanggang 6.76 milyong tao ang maaaring naapektuhan at nangangailangan ng tirahan, malinis na tubig, serbisyong pangkalusugan, at iba pang pangunahing pangangailangan. RNT/MDS