NAKABABAHALA ang pinakahuling datos na inilabas ng World Risk Index kung saan nangunguna ang ‘Pinas bilang most disaster prone na bansa sa kabuuang 193 na lugar sa sanlibutan.
Bagaman hindi na bago sa bansa ang balitang ito bunsod sa noon pa man ay sanay na ang taumbayan sa mabilisang pagbangon kaugnay sa malalakas na bagyo’t lindol at iba pang uri ng kalamidad na bumabayo rito kada taon.
Kung pagbabatayan nga ang takbo ng panahon,hindi na malalakas na hangin ang sumisira sa ari-arian ng sambayanan bagkus ay malalakas na pagbuhos ng ulan na sanhi naman ng malawakang pagbaha kung saan ay inilulubog ang kabahayan ng mga residente at sa rumaragasang daloy ng tubig sa malalaking ilog na ikinalulunod naman ng mga kababayan.
Ilan nga ba ang namatay nitong pagbisita ng bagyong “Enteng” sa Rizal at iba pang lalawigan sa Central Luzon at ilan pa ang inilubog na mga pamamahay dulot ng walang puknat na pagbuhos ng ulan na sinabayan pa ng HABAGAT na sadyang naging malawak na lawa ang dating mapa ng kabahayan sa mga lugar na ‘yon.
Walang kuwestyon sa agarang tugon ng iba’t-ibang ahensya na ginagawa sa mga apektadong pamilya dahil nakatutok dito ang kasalukuyang administrasyon kaya naman bilyones na kwarta ang ginugugol dito ng gobyerno upang mabigyan nang agarang tulong ang mga sinalanta ng sama ng panahon subalit malaki ang natatapyas na pondo mula sa kaban ng bayan.
Ang punto natin,hindi mayaman na bansa ang ‘Pinas kaya sa tuwing binibisita ito ng mala-delubyong kalamidad ay malaking kawalan agad sa pondong inilaan na sa mga pangunahing programang kaakibat sa unti-unting pagbangon nito mula sa hagupit ng halos tatlong taong Covid-19.
Alam n’yo bang sa pagkain pa lang na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare o DSWD sa mga apektadong kadalasan ay mahihirap na pamilya ay milyones na kwarta na ang nagugugol nito?
Hindi pa kabilang ang cash assistance na ipinamimigay ng kagawaran upang mabilisang silang makabangon sa panandaliang nadiskaril ang pamumuhay bunsod sa pagtama ng kalamidad.
Sa madali’t sabi,hindi tayo katulad ng mga burgis na higanteng bansa na may nakalaang pondo na ginagamit sa anomang kalamidad na tumatama rito.