Home OPINION SUPER PANINIRA AT SUPER BAGYO, BAHA

SUPER PANINIRA AT SUPER BAGYO, BAHA

HABANG tinitipa ito, mga Bro, lumagpas na sa 250 ang natatagpuang patay sa Vietnam sa pananalasa ni bagyong Enteng o Yagi.

Hindi lang kamatayan ang idinating ni Enteng sa Vietnam kundi kasiraan sa mga ari-arian na napakalalaki ang halaga lalo’t nagtagal ang baha nito na nagpalubog sa libo-libong bahay nang lagpas sa bubong, pabrika, taniman at hayupan.

Palibhasa, nang dumating sa Vietnam si Enteng, hindi lang ito super bagyo sa dala nitong bilis ng hangin na lumagpas sa 203 kilometro kada oras kundi naging super maulan.

Ang masaklap pa, nagtagal ito sa Vietnam mula Martes hanggang Biyernes nitong nakaraang linggo.

Lumipat na rin si Enteng sa Myanmar at nagbubuhos ito ng malalakas na ulan na nagpapalubog na rin ng maraming lugar dito.

Naunang nanalasa si Enteng sa Pinas at nag-iwan ng 21 patay bagama’t signal number lang siya noon at lumipat sa Hainan, China na may super hanging 250 kilometro kada oras na may kakambal na super ulan.

Gayunman, apat lamang ang naitalang patay dahil pinagbakwit ang nasa 1 milyong mamamayan bago ito nanalasa.

Kasabay ng Vietnam ang Thailand na namatayan din ng 4 mamamayan sa mga landslide at lunod.

MAMAMATAY LALONG DARAMI

Nang dumating si Enteng sa Pinas, nag-iwan ito ng 21 patay bagama’t signal no. 2 lang siya.

Paano na lang kung may darating na katulad ni Enteng na aabot ang bilis ng hangin sa 203-250 o katulad ni Yolanda na may 350kilometro kada oras at magbitbit ng sobra-sobrang ulan?

Ito ring si Carina, nagtagal ng apat na araw mula Hulyo 21 hanggang Hulyo 24 sa Pinas.

Naging malakas siyang bagyo noong Hulyo 23 at paglagpas ng Pilipinas, naging super bagyo rin siya gaya ng nangyari kay Enteng.

Nag-iwan si Carina ng 39 patay at binaha halos ang buong Pilipinas sa tulong ng habagat.

Napahiya tuloy mismo si Pangulong Bongbong Marcos dahil pagbitiw niya noong Hulyo 22 ng kanyang State of the Nation Address na kasama sa sentro nito ay ang 5,500 anti-flood projects umano ng kanyang administrasyon, sinalakay tayo ng grabeng baha mula kay Carina.

Anak ng tokwa, dahil sa pangyayari, agad na binawi ng mga tsutsu at sipsip ang bulong nila kay Pang. Bongbong at sinabing kay ex-Pang. Digong Duterte pala ang mga proyektong iyon.

Paano nga kung maganap sa bansa ang super bagyo na may kasamang super ulan?

SUPER PANINIRA

Wala pa tayong naririnig na plano ang mga politiko kung paano nila lalabanan ang super bagyo at super ulan.

Ang inaatupag ngayon ng mga ito ay kung paano nila siraan ang kanilang mga kalaban para hindi makaporma ang mga ito sa halalang 2025 at maging sa 2028 na labanan ng mga gustong mag-Pangulo.

Saan na nga pala ginagamit ang mahigit P500 bilyon pondo laban sa baha, ha?

Sa panonood natin sa Kamara at Senado, sila ang pinaka sa lahat ng mga paninira sa kasalukuyan sa pag-asang babagsak ang kanilang mga kalaban at sila ang mananalo sa darating na mga halalan.

Gudlak na lang sa inyo kahit mamalasin ang mga mamamayan sa mga darating na bagyo at baha na hindi ninyo pinagtutuunan ng pansin dahil sa sobrang pamumulitika.