MAY mga politiko na nagsasaya sa pagtaas umano ng pagiging kontento ng mga mamamayan sa administrasyong Marcos.
Mula sa moderate na 29 puntos, naging good umano ang grado o bango ng administrasyon sa 40 puntos, ayon sa Social Weather Station.
At 62 umano ang kontento sa ginagawa ng gobyerno kumpara sa 22 na hindi kontento at 15 na nyutral.
Siyempre pa, nagsasaya ang mayorya sa pulitika, kasama na ang mga nasa Kamara at Senado.
Pero kapag sinilip mo nang husto ang iba pang mga grado ng administrasyon, maiiyak ka sa lungkot.
Moderate at halos bagsak ang grado ng administrasyon sa laban sa climate change (+29), depensa sa West Philippine Sea (+22) at laban sa gutom (+18).
Lumalabas namang bagsak ang grado ng gobyerno sa mataas na presyo ng mga bilihin (-16), laban sa korapsyon (-10) at laban sa krimen at presyo ng langis (-3).
Anong nangyari at ang mga dapat na pinagtutuunan ng pansin gaya ng laban sa gutom, mahal na bilihin, laban sa korapsyo at laban sa krimen at presyo ng langis, eh, hindi lang hindi kontento ang mga mamamayan kundi binigyan nila ang gobyerno ng bagsak na grado?
Itong mga huling problema, mga Brad, ang pinakamahalagang usapin sa mga panahon na ito.
Ang mga ito ang iniiyakan ng higit na nakararaming mamamayan dahil tanda ang mga ito nang labis na paghihirap at kawalan ng pag-asa sa hinaharap.
Kaya naman, dapat ang mga nasa mayorya, mag-isip-isip sila na porke nakakalkal sila ng baho ng iba, eh, bumabango na sila sa taumbayan, lalo na kaugnay ng halalang 2025.
Sa sarbey mismo na ito na bagsak ang mayoryang politiko sa problema sa gutom, mahal na bilihin, korapsyon, krimen at presyo ng langis, nakaaamoy ang taumbayan ng napakasangsang na amoy.
Paano kung aalingasaw ang mga bahong ito sa mga oras ng halalan, sa abroad at sa loob ng bansa?