MANILA, Philippines – Ibinunyag ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang umano’y malawakang “hiram lisensya” scheme ng mga contractor sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na nagresulta umano sa substandard at ghost projects at bilyong pisong nawawala sa kaban ng bayan.
Lumabas ang isyu sa pagdinig ng House infrastructure committee nitong Martes, kung saan tinanong si dating Bulacan district engineer Henry Alcantara hinggil sa paghiram ng lisensya ng mga contractor para makapasok sa government bids at pagkatapos ay isa-subcontract sa mga hindi kwalipikadong partido.
Nang tanungin ni Tinio kung legal ang naturang gawain, una ay sumagot si Alcantara ng, “Hindi ko po matandaan,” bago kalaunan ay umamin na, “Alam ko po, illegal.”
“This stunning admission reveals that DPWH officials have been turning a blind eye to this illegal practice for years, precisely because they claimed not to know it was against the law. This willful ignorance has enabled a culture of corruption that has cost taxpayers billions in substandard and ghost projects,” ani Tinio.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang mga lisensyadong contractor ang nananalo sa bidding, kumokolekta ng pondo mula sa DPWH, at pagkatapos ay ipinapasa ang implementasyon sa iba, na aniya’y lumalabag sa qualification standards ng pamahalaan.
Giit ni Tinio, ang sistemang ito ang dahilan ng pagkakaroon ng mga substandard na tulay na bumabagsak, mga kalsadang agad nagkakabutas, at mga proyektong papel lamang ang umiiral.
“It is one of the causes of why we have so many substandard bridges that collapse, roads that develop potholes within months, and ghost projects that exist only on paper. When unqualified contractors implement government projects using borrowed licenses, public safety and taxpayer money are both at grave risk,” dagdag pa niya.
Nanawagan si Tinio ng masusing imbestigasyon sa DPWH at pananagutan ng mga opisyal na pumayag na ipatupad ang iligal na kalakaran. RNT/JGC