MANILA, Philippines – DUMATING ang sampung Filipino trafficking victims sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 7, kasunod ng kanilang pagpapauwi mula sa Cambodia, kung saan napilitan silang magtrabaho sa isang illegal scam hub.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng Bureau of Immigration (BI), dumating ang mga repatriated na indibidwal mula sa Phnom Penh, Cambodia, at kasama ang anim na nasa late twenties, tatlo sa mid-thirties, at isang may edad na 65.
Ikinuwento ng mga biktima na sila ay naakit pumunta sa labas ng bansa sa iba’t ibang petsa ng mga trafficker na nakilala nila online, kung saan 8 sa kanila ang umalis at nagpanggap na mga turista. Dalawa sa kanila ang umalis bilang mga manggagawa sa ibang bansa, ngunit niloko ng kanilang recruiter.
Pagdating sa Cambodia, kinumpiska ng kanilang dayuhang amo ang kanilang mga pasaporte at pinilit silang magtrabaho bilang mga online scammers na sangkot sa romance at investment fraud schemes.
Inihayag ng ilan sa mga biktima na napilitan silang magbayad ng penalty na USD 6,000-8,800 makaraang tumanggi sa nasabing scam operation. Inilarawan nila ang mga malupit na kondisyon sa pagtatrabaho, kabilang ang tortyur sa hindi pagtupad sa mga araw-araw na quota, pagkakulong sa loob ng compound, at pagpaparusa sa pamamagitan ng pagpilit na tumayo nang hanggang 15 oras nang walang pahinga.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na agad na kumilos ang Philippine Embassy sa Cambodia nang matanggap ang pakiusap ng mga biktima para sa tulong, na nagresulta sa kanilang pagkakaligtas at pag-uwi sa bansa.
“It is appalling that these Filipinos said no to abuse —and were punished for it. Pinagmulta, pinahirapan, at ikinulong,” ani Viado. “We remain steadfast in our mission to protect every Filipino from falling victim to trafficking. Through enhanced immigration checks, inter-agency coordination, and public awareness, we aim to prevent these crimes and bring perpetrators to justice,” dagdag pa ng opisyal.
Matapos makumpleto ang mga proseso sa imigrasyon, ang mga biktima ay binigyan ng post-care services ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pagkatapos ay iniendorso sila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang matulungan sa pagsasampa ng mga legal na kaso laban sa kanilang mga recruiter. JAY Reyes