Home METRO Binangonan Port pangangasiwaan ng PCG

Binangonan Port pangangasiwaan ng PCG

MANILA, Philippines- Nasa kontrol na ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Binangonan Port para ipatupad ang mas mahigpit na safety protocol para sa mga biyahe ng bangka, kasunod ng malagim na paglubog ng MB Aya Express noong Hulyo 27, na kumitil sa 27 buhay.

Sinabi ni PCG spokesperson Armando Balilo na napag-alamang hindi organisado ang pamamahala ng pantalan.

Ayon kay Balilo, magulo ang pamamahala at isa sa mga susi upang mapabuti ang maritime safety environment ay pamahalaan muna ng PCG ang Bianngonan Port.

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, naglagay ng checkpoint ang PCG sa Binangonan Wharf.

Lahat ng boat captains ay dapat bumisita sa Coast Guard post, magsumite ng manipesto at permits at ang PCG personnel at dapat icross-verify ang bilang ng mga pasahero laban sa kapasidad ng bangka.

Bilang karagdagan, ang mga pasahero ay pinaalalahan na magsuot ng life vests at kukunan ng larawan ang bawat bangka na aalis.

Binigyang-diin din ng PCG ang pangangailangang paghiwalayin ang mabibigat na kargamento at pagtukoy ng mga mapanganib na produkto.

Bagama’t maaaring pahabain ng mga hakbang na ito ang mga oras ng inspeksyon at magkaroon ng mga karagdagang gastos para sa mas malaking kargamento, ang pangunahing layunin ng mga ito ay tiyakin ang kaligtasan ng pasahero.

Nilalayon ng ahensya na magsilbing wake-up call ang trahedya ng MB Aya Express, na nag-uudyok sa buong industriya ng pamamangka na unahin ang kaligtasan ng pasahero at maiwasan ang mga aksidente sa hinaharap.

Inanunsyo rin ng PCG ang plano nitong magpatupad ng mas mahigpit na patakaran at sa iba pang pantalan.

Noong Agosto lamang, tatlong maritime incident ang naganap sa Northern Samar, Quezon Province, at Romblon, na nagresulta sa isang pagkamatay.

Binigyan-din ng PCG ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga regulasyon at mga protocol sa kaligtasan, na humihimok para sa mas malawak na inspeksyon.

Ayon pa kay Balilo, ang pagtitiyak ng ligtas na biyahe sa bangka ay nakasalalay hindi lamang sa mahigpit na inspeksyon ng PCG kundi maging sa responsableng pagmamay-ari ng bangka at mga pasahero na sumusunod sa mga regulasyong pangkaligtasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden