Bulacan – Arestado ang tatlong indibiduwal kabilang ang dalawang menor de edad na umanoy sangkot sa pananaksak at pagpatay sa isang estudyante sa naganap na suntukan sa lungsod ng Malolos noong Marso 22.
Sa ulat ng Malolos police station, kinilala ang mga suspek na si alyas “Bie”, 23, binata, residente ng Brgy. Pinagbakahan, binatang 16 anyos at isa pang 17 anyos na kapwa residente ng Brgy. Caniogan.
Nabatid na ang biktima ay kinilalang si alyas “VC”, 18, binata, estudyante, residente ng Brgy. Canalate.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang 10:00 ng gabi noong Marso 22 sa gilid ng paaralan sa Brgy. Caingin.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sa kasagsagan ng suntukan ay biglang bumunot ng patalim ang 16 anyos na suspek at walang kaabog-abog na sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng tiyan.
Agad naman dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital subalit binawian na ito ng buhay.
Dahil dito, nang makarating sa pulisya ang nangyari ay agad nagsagawa ng hot pursuit operation kaya nahuli ang mga suspek at narekober ang patalim na ginamit sa krimen.
Sinasabing ang dalawang menor de edad ay dinala sa CSWDO para sa kaukulang disposisyon habang si alyas “Bie” ay nahaharap sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng istasyon. Dick Mirasol III