Bulacan – Sugatan ang 23-anyos na binata matapos umanong pagbabarilin ng hindi nakilalang driver na kanyang nakaalitan sa nakakasilaw na ilaw sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang kalunos-lunos na sugatang biktima na si Mark, residente ng Brgy. Narra.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 3:30 ng madaling araw nitong Pebrero 11, sa Brgy. Mulawin at naireport sa kanila bandang 5:40 ng umaga sa kaparehong petsa.
Ayon sa report at base na rin sa salaysay ng saksi, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang biktima patungkol sa nakakasilaw na ilaw ng kanilang mga sasakyan sa Mulawin road.
Nabatid na nilapitan ng biktima ang suspek para humingi sana ng dispensa o makipag-ayos subalit bumunot ito ng baril at pinagpuputukan.
Nang humupa ang mga putok ay agad na tumakas ang suspek lulan ng grey Mitsubishi Mirage habang ang duguang biktima ay isinugod sa ospital para sa paunang lunas.
Dahil dito, agad nagsagawa ng back tracking ng CCTV footage at follow up operation ang pulisya para mapanagot sa batas ang suspek. Dick Mirasol III