LA UNION-Tigok ang isang furniture shop worker matapos na malunod sa isang fishpond sa Brgy. Raois, Sto. Tomas ng lalawigang ito kahapon, September 1.
Ang 25-anyos na biktima na wala pang asawa ay residente ng Brgy. Casilagan ng naturang bayan.
Nabatid na nagpunta sa Brgy. Raois ang biktima at ang kanyang mga kaibigan para mag-inuman.
Bandang 2:30 ng hapon, napagpasiyahan nilang manghuli ng isda sa malapit na fishpond.
Bago umano dumayb sa fishpond malapit sa drainage ang biktima na noo’y nasa impluwensya na ng alak ay ipinulupot muna nito sa kanyang leeg ang “tabukol” (fishing net) na gagamitin sa paghuli ng mga isda.
Dahil sa malakas na current ng tubig galing sa drainage, natangay ang biktima at hindi nagawang lumangoy hanggang sa malunod.
Nang ma-rescue ang biktima, agad na dinala ito sa LUMC sa Agoo, La Union.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso