Home METRO Binata todas sa pamamaril

Binata todas sa pamamaril

MANILA, Philippines – Todas ang isang binata matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City.

Dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Christian Lacbayo, 20, ng Arasity St., Brgy., Tinajeros.

Sa ulat nina P/MSgt. Jeric Tindugan at PSSg Sandy Bodegon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa Arasity Street.

Lumabas sa imbestigasyon na habang nakaupo ang biktima sa nasabing lugar ay sumulpot ang mga suspek at naglabas ng baril saka walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungong Sisa Street habang naiwan ang duguan at walang buhay na katawan ng biktima.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima. Rene Manahan