MANILA, Philippines – Arestado ang isang binata na wanted sa kaso ng pangmomolisteya sa isang menor de edad matapos madakma ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Ipinag-utos ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban saka kanyang mga tauhan ang pagtugis sa akusadong si alyas “Pino”, 22, residente ng Brgy. Ugong na nakatala bilang Top 9 Most Wanted Person sa lungsod.
Nang makatanggap ang kanyang mga tauhan ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar, agad bumuo ng team si P/Major Randy Llanderal, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) ng VCPS para tugisin si alyas Pino.
Dakong alas-2:15 nang tuluyang masukol ng tumutugis na mga tauhan ni Col. Cayaban ang akusado sa kahabaan ng M. Bernardino Street, Barangay Ugong.
Ani Major Llanderal, dinakip nila ang akusado sa bisa warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270 noong February 20, 2025 para sa kasong Acts of Lasciviousness in rel. to Sec. 5(B) of R.A. 7610 na may inirekomendang piyansa na P180,000.00.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Merly Duero