MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Senatorial candidate Ping Lacson na magreresulta sa pagdami ng trabaho ang pagkakaalis ng Pilipinas sa gray list ng Financial Action Task Force (FATF).
Ayon kay Lacson, ang pagkakatanggal sa grey list ay kadikit ng pagkakaroon ng kumpiyansa ng mga investors.
“Dahil wala na tayo sa grey list ang mga investors magkakaroon na ng tiwala sa ating bansa na maglagak ng malaking puhunan, sa pagdami ng mga negosyo ay dagdag trabaho sa mga Filipino” ani Lacson.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang pag alis ng bansa sa grey list ay bunsod na rin ng pagkakaroon na ng batas ng Pilipinas ukol sa Anti-Terrorism Act of 2020 at Anti-Money Laundering Act gayundin ang total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Si Lacson ang may-akda ng batas na nag amyenda sa Anti-Money Laundering Act partikular ang pagbaba ng threshold amount mula P4 milyon sa P500,000.
Layunin ng pagbaba ng threshold na ipagbawal ang “dirty money” at parusahan ang mga sangkot sa financial crimes.
Iginiit nito na ang tamang pagpapatupad ng batas laban sa money laundering at terrorist financing, mga batas tulad ng pag-exclude ng public officials sa Bank Secrecy Act, at consistency laban sa katiwalian, ang kailangan para ipagpatuloy ang kabutihang dulot sa pag-alis sa grey list.
“We already have the laws in place. Consistency in implementing them is the key,” pagtatapos pa ni Lacson. Gail Mendoza