Home METRO Senior high student na wanted sa pagpatay, arestado

Senior high student na wanted sa pagpatay, arestado

MANILA, Philippines – HULI ang 20-anyos na senior high school student na wanted sa kaso ng pagpatay sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat, isinilbi ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU), sa koordinasyon sa District Intelligence Division (DID) ng Northern Police District (NPD) ang isang Order to Take Custody sa akusado na kabilang sa talaan ng mga ‘Most Wanted Person’ sa lungsod.

Ikinasa ng mga operatiba ng DSOU-NPD ang manhunt operation laban sa akusado, kasunod ng inilabas na order ng korte noong February 11, 2025 na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya sa M.H. Del Pilar Street, Grace Park.

Ang order ay inisyu ni Presiding Judge Barbara Aleli Fernandez Briones, ng Family Court, Branch 1, National Capital Judicial Region, Caloocan City, na walang inirekomendang piyansa.

Matapos kumpirmahin ng City Social Welfare Department na hindi na menor de edad ang akusado, ay mananatili siya sa kustodiya ng DSOU habang hinihintay pa ang commitment order mula sa korte.

Pinapurihan ni PCOL Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD, ang mga operatiba sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at kaligtasan ng publiko, na nagpapatibay sa pangako ng puwersa ng pulisya na gawing mas ligtas ang mga komunidad. Merly Duero