RIZAL, Cagayan – Himas rehas ang tinaguriang notoryos rapist na nasa Top 3 Most Wanted Person provincial level ang naaresto ng mga pinagsamang operasyon ng pulisya sa Rizal, Cagayan.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office o CPPO ay naaresto si Randolph, 21 taong gulang, binata, magsasaka at residente sa nasabing lugar.
Sa bisa ng warrant of arrest ng mga tauhan ng Rizal Police Station kasama ang 4th Mobile Force Platoon, 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Team Cagayan South-Regional Intelligence Unit 2, at 202nd Regional Mobile Force Battalion 2 ang nahuli ang akusado.
Si Randolph ay inaresto dahil sa paglabag sa Artikulo 266-A par. 1 (d) (Statutory Rape) sa ilalim ng RA 8353 na binago ng RA 11648 kaugnay ng Art. 266-B ng RA 8353 na walang inirekomendang piyansa at paglabag sa Artikulo 266-A par. 2 (Sexual Assault) sa ilalim ng RA 8353 na binago ng RA 11648 kaugnay ng Art. 266-B ng RA 8353 na may inirekomendang piyansa na Php200,000.00.
Ang pag-aresto kay Randolph ay ayon sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni Hon. Edmar P. Castillo Sr., Presiding Judge, Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 11, Tuao, Cagayan noong Setyembre 2, 2024.
Pansamantala, nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon. Rey Velasco