MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 17-anyos na binatilyo matapos itong saksakin ng kaibigang 21-anyos dahil sa selos sa Leganes, Iloilo.
Ayon sa ulat, ang ugat ng away ay ang pagpapa-tattoo ng girlfriend ng biktima sa suspek dahilan para magselos ito.
Naganap ang krimen sa isang tindahan sa Barangay Poblacion, kung saan isinagawa ng suspek ang pananaksak sa biktima.
Sa imbestigasyon, nagtalo ang dalawa habang nag-iinuman.
“About po doon sa tattoo, kasi po nagta-tattoo po ‘yung suspek. Ang inisip po ng biktima is nagpa-tattoo po ‘yung girlfriend niya roon sa suspek. Doon po nagsimula po ‘yung misunderstanding o pagseselos,” sinabi ni Police Captain General Robles, hepe ng Leganes Municipal Police Station, sa panayam ng GMA News.
Nagtamo ng saksak sa tagiliran ang biktima na agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nakapagsumbong pa umano ang biktima kasama ang ibang kaibigan sa pulisya bago isugod sa ospital.
Nananawagan ng hustisya ang mga kamag-anak ng biktima na inilarawan bilang isang mabait na anak at apo.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag at mahaharap sa reklamong murder. RNT/JGC