MANILA, Philippines – Nahatulan ng Pasig City Regional Trial Court ang isang Chinese national dahil sa human trafficking sa isang kapwa Chinese sa Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ito ang unang conviction ng isang Chinese national sa kasong human trafficking na may kaugnayan sa POGO.
Nag-ugat ang kaso sa ulat ng isang biktimang nakatakas mula sa compound, na naging dahilan ng pinagsanib na operasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at mga yunit ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang Criminal Investigation and Detection Group at Special Action Forces.
Napatunayang nag-recruit at naghatid ang akusado sa biktima at ibinenta ito sa POGO hub gamit ang information and communications technology.
Ayon sa DOJ, inalok ang biktima sa pamamagitan ng messaging app ng trabahong may mataas na sahod. Pagkatapos, isinakay siya sa isang van at dinala sa Lucky South 99 kung saan pinilit siyang magtrabaho bilang online scammer sa ilalim ng banta ng pananakit.
Ipinataw ng korte ang parusang habambuhay na pagkakakulong, multang P2 milyon at P600,000 bilang danyos sa biktima.
Pinuri ng DOJ si Assistant State Prosecutor Honey Rose Delgado na humawak sa kaso, gayundin ang mga awtoridad na tumulong sa operasyon. RNT/MDS