Home METRO Binatilyo timbog sa baril sa Las Piñas

Binatilyo timbog sa baril sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Isang 19-taong-gulang na binatilyo na nagtangkang tumakas matapos masita dahil walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo ang nahulihan ng baril bago mananghali ng Miyerkules, Hunyo 12 sa Las Piñas City.

Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla ang nadakip na suspek na si alyas Kha-Ki, 19.

Base sa report na isinumite ni Tafalla sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto kay alyas Kha-Ki bandang alas 11:15 ng tanghali sa Border Control Point (BCP) ng Marcos Alvarez Street, Barangay Talon Singko, Las Piñas City.

Ayon kay Tafalla, habang nagsasagawa ng checkpoint sa nabanggit na lugar ang mga tauhan ng Talon Substation ay namataan ng mga ito ang suspect na nagmamaneho ng kanyang motorsiklo na walang suot na helmet kung kaya’t sinita nila ito.

Sinabi ni Tafalla na imbis na huminto ay lalo pang pinaharurot ng suspect ang kanyang minamanehong motorsiklo na nagdulot ng maiksing habulan kung saan nakorner ang suspect.

Nang hanapan ng dokumento ay walang naipakitang lisensya sa pagmamaneho ang suspect gayundin ang OR/CR ng kanyang minamanehong walang plakang Rusi na motorsiklo ay wala rin itong naipakita.

Sa pagsasagawa ng procedural search ay siniyasat ang light blue belt bag ng suspect kung saan nadiskubre na naglalaman ito ng isang kalibre .38 na kargado ng dalawang bala.

Patungpatong na kaso na kinabibilangan ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, driving without license at non-compliance sa RA 10054 na Motorcycle Helmet Act of 2009 ang kinahaharap ng suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police. James I. Catapusan