BULACAN, Philippines – Patay na nang matagpuan ang 16 anyos na binatilyong naiulat na nawala sa kasagsagan ng bagyong Nando sa ilog Angat, Brgy. Bintog, Plaridel hapon ng Martes, Setyembre 23.
Sa report, nawala ang biktimang si Andrew, 16 ng Brgy. Culianin na pinaniniwalaang tinangay ng malakas na agos sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng nasabing bagyo.
Sa kabila ng masamang panahon at rumaragasang agos ay walang sinayang na oras ang Plaridel rescue katuwang ang Bulacan, Pulilan, Bustos, Malolos rescue, PNP, BFP, mga opisyal, tanod ng Brgy. Culianin at Brgy. Bintog na nagsagawa ng search and retrieval operation subalit hindi nila natagpuan ang binatilyo.
Bandang 10:15 ng umaga nitong Setyembre 25 ay natagpuan ang katawan ng binatilyo na wala ng buhay sa ilog Angat sa pagitan ng Brgy. Parulan at Brgy. Banga 2nd.
Nabatid na malaki rin ang naitulong sa mga awtoridad ng mga lokal na mangingisda sa lugar sa paghahanap sa katawan ng biktima.
Sinasabing patuloy ang babala at paalala ng MDRRMO Plaridel sa publiko na mahigpit na ipinagababawal ang paliligo sa ilog, pamimingwit at iba pang katulad na gawain kung may bagyo o kung masama ang panahon.
Nauna nang nagpaabot ng pakikiramay ang Pamahalaang bayan ng Plaridel sa pangunguna ni Mayor Jocell Vistan sa pamilya ng binatilyong nasawi. (Dick Mirasol III)