Nasagip ang isang binatilyo ng tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tangayin ng malalaking alon sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Sa ulat, naliligo ang binatilyo sa dagat ng hampasin ng dambuhalang mga alon dahilan para tangayin at mapalayo sa pampang.
Maagap namang nagtulong-tulong ang residente , opisyal ng Barangay, MDRRMO at Coast Guard sa rescue operation.
Bagamat maging ang tauhan ng PCG ay tinatangay din ng malalaking alon, hindi ito nawalan ng loob na maisalba ang binatilyo.
Gamit ang lifevest at lubid na nakatali sa kanyang katawan, unti-unti niyang nalapitan ang binatilyo at nahawakan habang nakaalalay sa kanya ang ilang mga residente at iba pang tumulong sa rescue operations.
Nasa maayos namang kondisyon ang binatilyo at nakauwi na rin sa kanyang pamilya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)