Home METRO Binatilyong rider inagawan ng motor grinipuhan pa ng tandem

Binatilyong rider inagawan ng motor grinipuhan pa ng tandem

Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng binatilyo na matapos agawan ng motorsiklo ay sinaksak ng hindi nakilalang riding in tandem sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas Jayjay, 15, residente ng Brgy. Kaypian habang ang mga suspek na nakasuot ng helmet ay lulan ng silver gray na Yamaha Aerox.

Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang alas-9:10 ng gabi nitong Marso 18 sa Brgy. Kaypian.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, habang binabaybay ng biktima ang kalsada lulan ng black Honda Click ay dinikitan at hinarang siya ng tandem.

Nabatid na walang kaabog-abog na sinaksak siya ng back rider at pwersahang kinuha ang kanyang motorsiklo.

Agad na dinala ang biktimang may saksak sa kanang bewang sa Ospital ng Lungsod para sa paunang lunas na napag-alamang nasa stable condition na.

Dahil dito, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at follow-up operation laban sa tandem. Dick Mirasol III