BULACAN, Philippines – Umabot na sa pitong araw ay hindi pa rin nakikita ng mga awtoridad ang batang napaulat na tinangay ng rumaragasang agos sa ilog sa Norzagaray.
Sa ulat, kinilala ang kalunos-lunos na biktimang si alyas “Bornok”, 15, Senior Scout, Grade 10 residente ng naturang bayan.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang 3:00 ng hapon noong Biyernes, Nobyembre 7.
Nabatid na naligo ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang tangayin ito ng malakas na agos hanggang sa hindi na ito lumutang.
Nang makarating sa rescue team ang nangyari ay agad rumesponde sa lugar at nagsagawa ng search and rescue operation subalit hindi natagpuan ang binatilyo.
Samantala, nanawagan ng dasal ang mga kaanak at tulong sa kinauukulan na sana matulungan pa ng iba pang rescue team sa karatig lugar at mga professional diver para masisid ang ilog na posibleng pinag-anuran.
Sinusulat ito, sinasabing patuloy pa rin ang mga awtoridad sa paghahanap kay Bornok na umanoy kilalang scout leader rin sa kanilang paaralan. (Dick Mirasol III)