Home HOME BANNER STORY Laban kontra TB mas pinaigting ng DOH

Laban kontra TB mas pinaigting ng DOH

330
0

MANILA, Philippines – Mas pinaigting ng Department of Health at World Health Organization ang laban kontra Tuberculosis o TB kung saan target na masuri ang 12 milyong Pilipino pagsapit ng 2026 sa ilalim ng Philippine Strategic TB Elimination Plan Phase 2.

Sa 2026 halos dodoblehin ng DOH ang pondo para sa TB services sa halagang P4.2 bilyon mula sa P2.6 bilyon ngayong taon.

Pinalalawak ang paggamit ng AI-powered chest X-ray at Nucleic Acid Amplification Tests para sa mas mabilis na pagtukoy ng TB, habang pinaiikli sa anim na buwan ang gamutan para sa drug-resistant cases gamit ang all-oral regimen.

Lumawak din ang Tuberculosis Preventive Treatment at contact investigation na nagresulta sa higit 50 porsyentong pagtaas ng TPT enrollment.

Kasama sa mga hakbang ang pinaikling gamutan para sa mga batang may non-severe TB at mas malawak na kampanyang pang-edukasyon sa komunidad. Patuloy ding isinusulong ang Philippine Acceleration Action Plan for Tuberculosis na naglalayong tuluyang wakasan ang TB sa bansa pagsapit ng 2035.

Batay sa datos ng 2024, umaabot sa 10.7 milyon ang global TB cases, kung saan 6.8 porsyento ay mula sa Pilipinas. 

Tinatayang 625 Pilipino kada 100,000 populasyon ang nagkakaroon ng TB at 98 kada araw ang namamatay dahil dito. 

Patuloy ang pagtutulungan ng DOH at WHO upang mapababa ang kaso at mapabilis ang paggamot laban sa TB sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here