Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES
MANILA, Philippines- Itinakda ng Senate ethics and privileges committee ang isang conciliation meeting sa pagitan nina Senador Nancy Binay at Senador Alan Peter Cayetano na hindi ilalantad sa publiko, ayon kay chairperson Senator Francis Tolentino.
Inihayad ito ni Tolentino matapos ang organization meeting ng komite upang makumpleto ang komposisyon nito at amyendahan ang rules.
“No, closed door,” ayon kay Tolentino nang tanungin kung bukas sa publiko ang conciliation meeting.
“There are matters that we will leave to the complainant and the other person that should be settled on a personal basis, but the results will be transparent,” dagdag niya.
Sinabi ni Tolentino na inaprubahan ng komite ang amendments sa rules nito na magsasagawa muna ng reconciliation process bago ang pagdinig.
Layunin nito na “to reach an amicable settlement.”
Magiging epektibo ang amended rules sa loob ng 15 araw upang maipalimbag sa official gazette saka magsasagawa ng conciliation meeting.
“There are outbursts; there are things that can probably be said due to passion and emotional combustion in a setting that can probably be clarified in a more friendly atmosphere,” paliwanag ni Tolentino.
Naunang iminungkahi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang reconciliation process sa pagitan nina Binay at Cayetano.
Naghain ng ethics complaint si Binay laban kay Cayetano hinggil sa sinasabi nitong “unparliamentary conduct” sa ginanap na “factual and independent review” ng New Senate Building (NSB).
Inilunsad ni Cayetano, sa utos ni Escudero ang “factual and independent review” matapos lumobo ang halaga ng gastusin sa NSB mula sa P8.9 bilyon sa P23 bilyon. Ernie Reyes